Popular Posts

Wednesday, January 19, 2011

ANG ALAMAT NG MAKOPA

Noong unang panahon ay may isang bayan na kalapit ng isang mataas na bundok at halos naliligiran ng pulo-pulong gubat. Ang mga mamamayan dito ay tahimik at maligaya sa kanilang pamumuhay. Ang malawak na bukid at malago na punong-kahoy ay nagbibigay ng masaganang ani na siyang ikinabubuhay ng mga tao doon.

Ngunit sa lahat ang pinagmamalaki ng mamamayan ay ang kanilang gintong kampana na nakasabit sa simboryo ng simbahan. Ang pinagmulan nito ay matagal ng nalimutan. Ayon sa mga ninuno nila ang kampanang iyon ay nagisnan na nila at kanila ngang ginagalang. Dito ay may napapaloob na hiwaga at ang paniwala’y doon nanggagaling ang biyayang tinatamasa nila sa buhay. Ang batingaw na iyon ay napakaganda ang hubog, malakas, at buo ang tunog. Kung tumutunog ay kinaririrnggan ng napakagandang tinig ng bawat taong makarinigay sapilitang lumuluhod at taimtim na nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga biyaya nilang tinatanggap.Talagang napakalaki ng pagsamba at paggalang ng mga tao sa kanilang batingaw.

Maraming tao sa malalayong bayan ang nakaalam sa kahalagahan ng kampanang ito. Hindi lamang kakaunti ang nagkaroon ng masamang nasa na makamtan ang nasabing batingaw. Higit sa lahat na may nais ay ang mga tulisang naninirahan sa gubat. Balak nilang tunawin ito kapagka nakuha nila.

Isang araw, ang buong bayan ay nagimbal sa sigaw na: "Tulisan, tulisan ang mga tulisan ay dumarating!" Di nag-aksaya ng panahon ang pari at ang dalawang sakristan, biglang ibinababa ang kampana at itinago. Nang dumating ang mga tulisan wala na ang batingaw. Ang pari at mga sakristan ay sinaktan ng mga tulisan at pilit na pinalabas sa kanila ang batingaw. Nang hindi nagtapat ang mga ito namuhi ang mga tulisan at pinutulan sila ng leeg. Nagbalik ang mga tulisan sa gubat na hindi nakamtan ang pakay nila.

Ang bayan ay nagulo. Lahat ng tao’y nalungkot pagka’t ang pinakamamahal nilang batingaw ay di nila makita sapagka’t ang nakaalam lamang ng pinagtaguan nito ay ang tatlong pinatay ng tulisan. Lahat ng mamamayan – bata, matanda, mayaman, mahirap ay tulong-tulong sa paghahanap. Nguni’t hindi rin nila matagpuan. Lumipas ang maraming araw at ang batinagw ay patuloy ng naglaho. Sa hinaba-haba ng panahon ang mga tao ay nakalimot na sa kanilang banal na gawain. Wala ng pumupunta sa simbahan upang magdasal. Ang mga bukid ay naiwan ding tiwangwang. Lagi na lamang may gulo sa bayan. Anupa’t ang bayan ay nababalot ng kalungkutan.

Isang umaga, may maraming taon na nakalilipas ang mga taong nagdaraan sa may simbahan ay nakakita ng isang punong-kahoy sa tabi ng kumbento na hitik na hitik sa bungang-kaiba sa mga bungang kahoy. Ang mga bunga ay kakaiba ang hugis, at hugis kampana. Nagkagulo ang mga tao sa paligid ng puno at sila ay nagtaka kung saan nanggaling ang punong yaon na bukod sa hugis kampana ay mamula-mula pa na anaki’y ginto. Isang matandang lalaki ang pumagitna sa mga taong naroroon at nagsalita ng, "Habang ako’y natutulog, tila nakarinig ako ng isang tinig na nag-uutos na hukayin ko ang ilalim ng isang puno sa tabi ng kumbento. Ngunit ito’y di ko pansin sa pag-aakala ko na isang panaginip lamang."

Madaling ginawa ng mga tao ang sinabi ng matanda. Laking tuwa nila nang matagpuan ang batingaw sa ilalim ng ugat ng nasabing puno. Ang lahat ng mga tao ay nagtungo sa simbahan at nagpasalamat sa Diyos sa pagkakabalik ng kanilang kampana. Makailang sandali ang magagandang tunog ng kampana ay narinig na. Ito ay nagbigay ng kasiyahan at katahimikan sa puso ng mga tao habang sila ay tamtim na nananalangin.

Ang mahiwagang puno naman ay patuloy ng pagbubunga at nang lumaon ay napag-alamang iyon ay kinakain. Ang mga bata’y natuwa sa hugis ng bunga nito, kawangki ng kopa. Pagkalipas ng ilang araw ang bunga ay tinaguriang "Makopa".


ANG ALAMAT NG PINYA

Nuong unang panahon sa isang malayong nayon ay may naninirahang isang
batang babae. Ang pangalan niya ay Filipina at ang kanyang palayaw ay Pina.
Bata pa si Pina nang maulila kaya siya ay kinupkop ng kanyang tiyahing si Marta.

Si Pina ay mabait, masipag, at mapagtiis samantalang ang kanyang tiyahin ay
tamad, masungit, at pabaya sa buhay. Nang bata pa si Pina ay nagkasakit siya
ngunit hindi siya ipinagamot ni Marta bagay na naging dahilan upang manlabo
ang kanyang mga mata. Napilitan siyang huminto sa pag-aaral dahil hindi na niya
mabasa ang mga aralin sa paaralan. Kuntento na lamang siya na tumulong sa
mga gawaing bahay at makipaglaro sa mga kapwa bata.

Lumipas pa ang maraming araw at mas lumubha ang panlalabo ng kanyang
mga mata. Kadalasan kapag sila ay naglalaro ng taguan ang mga salbaheng
bata ay hindi na nagtatago at sa halip ay nanatiling nakapaligid sa kanya.
Sapagkat bahagya niyang naaaninang ang mga kalaro ang mga salbaheng bata
ay kinukurot siya sa iba't-ibang bahagi ng katawan habang kinukutya ang kanyang
kapansanan. Ang lahat ng mga eto ay kanyang pinagtitiisan.

Isang araw habang siya'y naglalaro sa harapan ng kanilang bahay ay galit na
tinawag siya ni Marta. "Pina, maghugas ka ng mga pinggan at kaldero sa kusina.
Ang tamad- tamad mo!" sigaw si Marta. "Pagkatapos mong maglinis sa kusina ay
maglaba ka."

Agad namang iniwan ni Pina ang paglalaro at nagtungo sa kusina upang
maghugas. Ano ba't dahil sa panlalabo ng kanyang mga mata ay di sinasadyang
natabig niya ang lalagyan ng mga pinggan at baso, at bumagsak ang mga gamit
sa sahig. Nang makita ni Marta na nabasag ang ilang plato at baso ay labis
siyang nagalit. Kinuha niya ang walis tingting at malakas na pinagpapalo si Pina
sa kanyang mga binti.

"Wala kang silbi! Dapat ang ulo mo'y napaliligiran ng mga mata para nakikita mo
ang lahat ng nasa paligid mo!" malakas na sigaw ni Marta habang pinapalo pa rin
si Pina.

"Tiya, patawarin po ninyo ako. Hindi ko po sinasadya," pagmamakaawang
pakiusap ni Pina. Ngunit lalo pang nilakasan ni Marta ang pagpalo sa kanya.

Nang di na matitiis ni Pina ang sakit ng pagpalo sa kanya ay umiiyak siyang
tumakbo sa labas ng bahay patungo sa kalapit na kagubatan. Lumipas ang
maghapon at hindi bumalik si Pina. "Babalik din siya kapag siya ay nagutom, "
sabi ni Marta sa kanyang sarili.

Lumipas ang maghapon, gumabi, at nag-umaga ngunit hindi bumalik si Pina.
Hindi rin nakatiis si Marta at kasama ang ilang bata ay hinanap nila si Pina.
Ngunit siya ay naglaho na parang bula. May mga nag-isip na si Pina ay kinupkop
ng isang diwata sa kagubatan na naawa sa kanyang kalagayan.

Lumipas pa ang maraming araw. Isang umaga ay nagulat na lamang ang lahat
nang may nakita silang halaman na umusbong sa harapan ng bahay ni Marta.
Ang halaman ay nagbunga ng isang prutas na korteng ulo at may mga mata sa
paligid. Bigla nilang naalala si Pina at ang sinabi ni Marta sa kanya: "Dapat ang
ulo mo'y napaliligiran ng mga mata para nakikita mo ang lahat ng nasa paligid
mo."

"Si Pina siya!" biglang nasambit ng isang kapitbahay sa kanyang mga kasama.
Ilang salbaheng bata ang lumapit upang maki-usyoso. Subalit paglapit nila ay
pawang nangatusok sila ng matutulis na tinik sa dulo ng mga dahon ng halaman.
Naalala nila ang ginawang pag-aapi kay Pina. "Si Pina nga siya," anang isang
salbaheng bata.

"Ayaw na ni Pina na nilalapitan natin siya." Sigaw ng isa pang salbaheng bata.
"Ayaw niyang kinukurot natin kaya tayo naman ang tinutusok ng kanyang mga
tinik." "Si Pina nya! Si Pina nya!" magkakasabay na sigaw ng mga bata habang
itinuturo nila si Marta na nasa harapan ng bahay at nakatingin sa kanila.

Mula nuon tuwing makikita ng mga tao ang halaman at ang prutas nitong hugis
ulo na maraming mata ay tinatawag nila etong si Pina nya. Nang lumaon ay
naging Pinya na lamang ang naging tawag nila dito.



ANG PAGONG AT ANG MATSING

Isang araw, nagpasyal ang magkaibigang pagong at tsonggo.
May nakita silang punong saging.

"Akin ito," sabi ng tsonggo at hinila ang parte ng puno na may dahon.
"Hindi, akin ito," sabi ng pagong at hinila ang may ugat na parte ng puno.

Habang naghihilahan sila, sinabi ng pagong, "Bakit hindi natin hatiin ang puno? Kunin mo ang parteng gusto mo at kukunin ko ang bahaging gusto ko."
"O, sige," sabi ng tsonggo. "Kukunin ko ang parteng may dahon at kunin mo naman ang bahaging may ugat."
Dinala ng tsonggo ang parteng may dahon at kinuha naman ng pagong ang may ugat na bahagi.
Pareho nilang itinanim ang kanilang parte at kapwa sila nasisiyahang isipin na magkakaroon sila ng maraming saging na kakainin.
Dinilig nila ang halaman nila araw-araw. Pero natuyo ang halaman ng tsonggo. Samantala, nagkadahon ang halaman ng pagong.
Binisita ng tsonggo ang pagong upang kamustahin ang halaman nito.

"Kamusta ang halaman mo?" tanong ng tsonggo.
"Tumutubo ng mahusay," sagot ng pagong. "Malago na ang dahon ngayon."
"Namatay ang halaman ko," malungkot na sabi ng tsonggo. "Ewan ko kung bakit."

Napangiti ang pagong. Hindi niya masabi sa tsonggo na karamihan ng halaman ay di tumutubo kung walang ugat.
Lumaki nang lumaki ang punong saging ng pagong. Binabantayan din ng tsonggo ang puno ng pagong.
Isang araw, namulaklak ang punong saging at nagkabunga. Araw-araw, lumalaki ang prutas. Hanggang isang araw, nahinog ang mga saging. Gusto ng pagong na pitasin ang saging pero hindi niya ito maabot.

Tinanong ng tsonggo ang pagong. "Hinog na ang saging mo, bakit di mo pa pitasin?"
"Hindi ko maabot," sabi ng pagong.
"Gusto mo bang tulungan kitang pitasin ang mga prutas?" tanong ng tsonggo. "Sa gayon, tayong dalawa ang makakakain ng saging."

Pumayag ang pagong. "Sige, akyatin mo ang puno. Tapos, ihagis mo sa akin ang ibang bunga."

Inakyat ng tsonggo ang puno at kinain niya ang lahat ng saging. Wala siyang inihagis sa pagong. Kapag humihingi ang pagong, tinatawanan lang ng tsonggo.
Nagalit ang pagong at pinaligiran ng tinik ang puno. Tapos nagtago siya sa ilalim ng bao ng niyog.
Nang nakain nang lahat ng tsonggo ang saging, bumaba siya sa puno at natusok siya ng mga tinik na inilagay ng pagong. "Aray!" sigaw ng tsonggo. Napaupo siya sa baong pinagtataguan ng pagong.

"Magbabayad siya," sabi ng pagong sa sarili. Hinila niya ang buntot ng tsonggo sa butas ng bao.
"Aray!" sigaw uli ng tsonggo. Sumilip siya sa ilalim ng bao at nakita niya ang pagong. Hinuli niya ito.

Habang tangan niya nang mahigpit ang pagong, sabi niya, "Itatapon kita sa apoy."
Ayaw ng pagong na itapon siya sa apoy, pero sinabi niya, "A gusto ko iyan. Mamumula ako. Gaganda ako."
"Kung gayon, hindi kita itatapon sa apoy," sabi ng tsonggo. "Pipitpitin kita."
"Magaling," maagap sa sagot ng pagong. "Pagkatapos mo dadami ako." Marami akong magiging kalaro."
"Kung gayon, hindi na kita pipitpitin," inis na sabi ng tsonggo. "Alam ko na, itatapon kita sa ilog."
Nag-iiyak ang pagong. Sabi niya, "Huwag! Huwag mo akong itapon sa ilog. Malulunod ako! Mamamatay ako!"

Nang narinig ito ng tsonggo, dinampot niya ang pagong at itinapon sa ilog.
Sumisid ang pagong sa ilog. Pamaya-maya lumitaw siya sa tubig na nagtatawa. "Ha, ha, ha, ha, ha! Dito ako nakatira. Bahay ko ang ilog!" At lumangoy siyang palayo.

Napaupo ang tsonggo at sabi niya sa sarili, "Napakatanga ko! Pero hindi bale, nakain ko naman ang saging."

ANO ANG ALAMAT?

Ang alamat ay kuwento na kathang isip lamang na kinasasangkutan ng
kababalaghan o 'di pagkaraniwang pangyayari na naganap nuong unang panahon.

Ang alamat ay karaniwang tumatalakay sa mga katutubong kultura, kaugalian o
kapaligiran. Eto ay tumatalakay din sa mga katangiang maganda, tulad ng
pagiging matapat, matapang, matulungin, at sa mga katangiang hindi maganda
tulad ng pagiging mapaghiganti, masakim, o mapanumpa, Nguni’t sa banding huli
ang kuwento ay kinapupulutan ng aral para sa ikabubuti ng iba.

Sapagkat ang alamat ay karaniwang nagsimula nuong unang panahon at eto ay
nagpasalin- salin na sa maraming henerasyon, ang alamat ay pinaniniwalaan ng
maraming tao na tutoong naganap dahil sa tagal ng pamamayani nito sa ating
panitikan o sa ating kultura.

Ang mga alamat ay nagkakaroon ng iba’t-ibang bersiyon ayon na rin sa hangarin ng
sumulat o nagpalaganap ng ibang bersiyon ng alamat. Eto ay maaaring sa hangarin
na isanobela, isadula o isa-pelikula ang isang alamat.

Halimbawa ang isang bersiyon ng alamat ni Bernardo Carpio ay sinasabing sadyang
pinalaganap ng mga Kastila upang mapigilan ang namumuong himaksikan ng mga
Pilipino laban sa mga mananakop.

Ibang bersiyon naman ang pinalalaganap ng ibang mga magulang sa hangaring ang
kanilang mga anak ay huwag matakot kapag lumilindol sapagkat eto ay likha lamang
ni Bernardo tuwing nagtatangkang kumawala sa nag-uumpugang bato.

Bagama’t maraming bersiyon ang alamat, ang mga eto ay nagkakaisa sa
paglalarawan kay Bernardo na isang matipuno at makisig na lalaki. Ang pagkakaiba
ng iba't-ibang bersiyon ay ang pagtalakay kung bakit, papaano, at sino ang naging
sanhi ng kanyang pagkaipit sa nag-uumpugang mga bato.